Paghanga O Pag-ibig
“Mahirap matarok kung ano ang nararamdaman, iba’t-ibang emosyon sabay-sabay nating nararanasan. Sa una’y paghanga, kasunod ay ibang sigla, kasiyahang pilit na itinatago sa kaibuturan ng ating puso. Kunwari pa’y nagagalit, yun pala’y naninibugho dahil sa takot na mawala ang kanyang iniirog. Hindi rin mawawala ang pagnanasa dahil sa ito’y nagbibigay ng ibang kulay sa mga taong umaasa.” Ito’y isang bahagi ng aking tula na marahil masasabi nating ilan sa mga hindi maintindihan at kakaibang damdamin na ating nararanasan sa tuwing tayo’y nagmamahal.
Hindi lingid sa ating kaalaman na bago humantong sa pagmamahalan o pag-iibigan ay may nagaganap na “pag-akit o attraction” sa isa’t-isa na maituturing din nating paghanga. Ano nga ba ang mga salik na nakakaapekto upang mgaging kaakit-akit, at ano ba ang mga batayan ng kagandahan na nag-uudyok sa isang indibidwal upang maakit o humanga sa isang tao?Naniniwala ang nakararami sa kasabihang “hindi dapat husgahan ang isang tao ayon sa kanyang pisikal na kaanyuan”. Pero masasalamin natin sa ating kultura na mas binibigyan natin ng pansin o halaga ang pisikal na kaanyuan. Aminin na natin sa ating sarili na tayo’y agad na naaakit sa mga taong may magandang pagmumukha kumpara sa may magagandang kalooban. Ngunit sa paglipas ng panahon ay mas nabibigyang pansin ang mga taong may mabubuting kalooban kumpara sa mga taong magaganda ngunit may bulok na pagkatao. Masasabi nating mahalaga rin ang “first impressions” kung saan hinihinuha natin ang ang pagkatao ng isang tao. Kung siya ba’y palangiti, mahilig sumimangot, at magtaas ng kilay ay ilang bagay na nag-uudyok sa atin upang kusang lapitan o layuan ang isang indibidwal. Naniniwala rin ang iba na nakakatulong ang pagkakaroon ng mabuting “Aura” upang maging malapit o mapansin ng mga tao. Masasabi rin na salik ang Pagkakapareho (Similarity) ng ugali, interes, pananaw, disposisyon sa buhay atbp. upang magkaroon o makabuo ng isang malalim at makabuluhang pagsasama ng mga magkakaibigan o magkaka-ibigan. Masasabi rin natin na ang pagiging “familiar” ng isang tao ay makakatulong sa atin upang maging malapit sa ating hinahangaan.
Ayon sa iba, maaari nating mabatid kung ang isang indibidwal ay may paghanga o kakaibang pagtingin sa atin sa pamamagitan ng mga kilos na kaniyang ipinapamalas. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: palihim at palagiang pagsulyap sa taong hinahangaan. pamumula habang kinakausap ang taong sinisinta. pagkaramdam ng pagkahiya o panlalamig. ang taong ito ay masyadong interisado sa mga bagay patungkol sa kanyang hinahangaan. nagpapapansin sa pamamagitan ng pagkagat o pagbasa ng kanyang labi. nagpapapansin sa pamamagitan ng pag-aayos ng buhok. gumagawa ng paraan upang mapansin(papansin). tinataasan o nilalakasan ang boses kapag malapit sa kinaroroonan ng kanyang hinahangaan.
Ang paghanga maging sa pisikal na kaanyuan o kabutihan ng loob ay kaiba sa pagmamahal. Halimbawa na lang nito ay ang paghanga ng mga lalaking may asawa na sa mga babaeng may magagandang mukha at pangangatawan ay iba kumpara sa kanilang asawang pinakasalan. Sa paghanga masasabi nating agaran o mabilisang nawawala ang ating pagtingin sa nasabing indibidwal kung kinakitaan natin siya ng bagay na ayaw natin o turn-off para sa atin. Kumpara sa pagmamahal na masasabing tanggap o matatanggap natin ang anumang kasalanano kamaliang nagawa ng ating minamahal(Unconditional Positive Regard). Sa panahon ngayon , masasabi nating may iba’t-ibang uri ng pagmamahal, ang mga ito’y nagkakaiba sa sitwasyon at tindi ng pagmamahalang nararamdaman.