Kabutihan O Kasamaan
Tingin dito, kain doon, sukat dito, shopping doon, ito ang mga eksenang karaniwang makikita sa mga lugar kung saan maraming tao, katulad ng mga naglalakihan at magagarbong mga malls na nagsisilbing lugar kung saan maaaring makapagliwaliw, makapagpahinga o makaranas ng iba’t-ibang mga kaganapan…
“Nakakapagod din palang mamasyal”, iyan ang karaniwang bukang bibig nating mga Pinoy. Sa ganang akin, ito’y makatotohanan dahil sumasakit ang mga paa ko kakalakad, hindi lang paa pati na rin bulsa dahil sa nauubos ang perang naiipon ko. Pagkatapos mamasyal, napakasarap umuwi at magpahinga, ngunit sa aking daan pauwi, sa loob ng mall na punung-puno ng mga taong namamasyal at nagpapakasaya ay may naaninagan akong isang mamang dumudukot ng pera sa kanyang bulsa. Sa pagkuha niya ng kanyang salapi ay hindi niya namalayang unti-unti nang nahuhulog ang kanyang mga pera. Ang mga taong naglalakad sa kanyang likuran ay nagmamadaling kunin ang mga naglalaglagang pera.
Naalaa ko tuloy ang mga bagay tungkol sa ID, Ego, at Superego. Ang Id na bahaging biyolohikal na binubuo ng bawat bagay na sikolohikal, kabilang na ang mga likas na simbuyo. Ang Ego na ehekutibo o tagapagpatupad ng personalidad at tagapamagitan sa pangangailangan ng indibidwal at mga pangangailangan ng lipunan. Ang Superego na bahaging panlipunan na siya ring nagsisilbing moral na bisig ng personalidad. Bigla kong naisip na bakit ganoon ang ginawa nila. Wala man lang nagsabi sa mama… inisip ko tuloy na siguro ay nangibabaw ang Id nila. Ngunit kung aking susuriin ang aking sarili, bakit hindi ako nakisama sa pagpulot o hindi ko man lang nasabi sa mama ang mga pangyayari? Nang maganap ang Pangyayari, nagdalawang-isip ako kung makikipulot din ako o sasabihin ko sa mama. Marahil hindi ko inalintana ang udyok ng aking Id kaya hindi ako nakisama, at sinasabi ng aking superego na masama iyon. Ngunit bakit wala man lang akong ginawa, hindi ko man lang sinabi sa mama?Matapos ang kaganapang iyon, nakadama ako ng pagkaawa at panghihina ng loob sa kanahinatnan ng taong iyon dahil wala man lang naiwan para sa pamasahe niya pauwi. Upang maibsan o mawala ang aking panghihina ng loob, hindi ko namalayang nakagamit ako ng Defense Mechanism (Rationalization), inisip ko na lang na kaya hindi ko siya natulungan ay dahil malayo-layo ang aking kinaroroonan sa kanya at kahit nasabi ko pa sa kanya ay huli na ang lahat dahil nasa mabubuting kamay na o nakuha na ang kanyang salapi.
Sa mga simpleng kaganapang katulad nito na nasusukat ang ating moral ay matatanto natin kung anong mas nangingibabaw sa ating pagkatao kung ang ating Id, Ego, o Superego. Mauunawaan din natin ang ating mga kasagutan sa mga pagkakataong nangangailangan ng pagsang-ayon sa kabutihan o sa kasamaan, sa ating nararapat at hindi nararapat gawin. Maraming mga pangyayari sa ating pang araw-araw na gawain ang hindi natin binibigyan ng pansin, ngunit kung ating susuriin, katulad ng aking pangkaraniwan at simpleng karanasan sa loob ng mall na kung sa unang tingin ay parang walang halaga, ay may kaugnayan o kinalaman sa ating pagkatao maging sa Sikolohiya.